Essay About Pasko

Ang Pasko ay napakamaluwalhating panahon. Karamihan sa atin ay abala rin sa panahong ito. Umaasa at nananalangin ako na hindi tayo gaanong matuon sa kaabalahan ng kapaskuhan na maituon natin ang ating pansin sa mga maling bagay at malilimutan ang mga simpleng kagalakang dulot ng paggunita sa pagsilang ng Banal ng Betlehem.

Ang pagkakaroon ng tunay na kagalakang hatid ng Pasko ay hindi dumarating sa pagmamadali upang marami ang magawa. Natatagpuan natin ang tunay na kagalakan ng Pasko kapag sa Tagapagligtas nakatuon ang ating pansin sa panahon ng Kapaskuhan.

Ang pagdiriwang natin ng Pasko ay dapat kakitaan ng pagmamahal at pagiging di-makasarili na itinuro ng Tagapagligtas. Ang pagbibigay, hindi ang pagtanggap, ang siyang tunay na nagpapamukadkad sa diwa ng Pasko. Mas mabait tayo sa isa’t isa. Tumutulong tayo nang may pagmamahal sa mga kapus-palad. Lumalambot ang ating puso. Pinatatawad ang mga kaaway, ginugunita ang mga kaibigan, at sinusunod ang Diyos. Pinagliliwanag ng diwa ng Pasko ang inyong pananaw sa mundo, at nakikita natin ang abalang takbo ng buhay sa daigdig at nagiging mas interesado tayo sa mga tao kaysa sa mga bagay. Upang malaman ang tunay na kahulugan ng diwa ng Pasko, kailangan lang nating madama ang Diwa ni Cristo.

Nawa’y magbigay tayo tulad ng pagbibigay ng Tagapagligtas. Ang ialay ang sarili ay banal na regalo. Nagbibigay tayo bilang alaala ng lahat ng ibinigay ng Tagapagligtas. Nawa’y magbigay rin tayo ng mga regalo na walang-hanggan ang kahalagahan, kasama ng ating mga regalo na nasisira o nalilimutan kalaunan. Mas gaganda ang mundo kung lahat tayo ay nagbibigay ng mga regalo ng pang-unawa at pagkahabag, ng paglilingkod at pakikipagkaibigan, ng kabaitan at kahinahunan.

Sa pagkadama natin sa Kapaskuhan taglay ang lahat ng kaluwalhatian nito, nawa, gaya ng mga Pantas na Lalaki, hanapin natin ang maliwanag na bituin na gagabay sa ating pagdiriwang ng pagsilang ng Tagapagligtas. Nawa’y maglakbay ang diwa natin sa Betlehem, taglay ang magiliw at nagmamalasakit na puso bilang ating regalo sa Tagapagligtas.

ANG Pasko ang pinakamasaya at pinakahihintay na pagdiriwang sa loob ng isang taon sa Pilipinas.

Sa pagtuntong pa lang ng sunod-sunod na mga buwang nagtatapos sa “bre’’  na tulad ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre  at Disyembre at sa kasagsagan ng tag-ulan ay maririnig mo na mula sa mga himpilan ng radio ang pagpapatugtog ng mga awiting pamasko.

Kasabay nito ang taunang pagdaraos ng Christmas sales sa mga shopping mall at flea market pagkatapos-na-pagkatapos ng Todos los Santos (Nobyembre 1).

Ito rin ang panahong pinakaabalang-abala ang mga Filipino: nagsasiyaping ng mga pang-regalo, ng mga lutuin, panimpla at panahog sa pagkain o handang sinauna tulad ng dinuguan, puto at kutsinta, lechong baboy, murkon, kaldereta, kare-kare, pansit-luglog, puto-bumbong at minudo o pagkaing banyaga mula sa Amerika, Italya, at Francia.

Panahon din ito ng pamamasko sa mga lolo at lola, ninong at kamag-anak.

Panahon din ito ng pagpapadala ng mga sulat ng pagbati, pagsasabit ng makukulay na mga parol at mga palamuti tulad ng Christmas tree, Belen na naglalarawan ng Sagrado de Familia at ilang tagpo noong Unang Pasko 2,011 taon na ang nakalilipas.

Sa mahigit na 10 milyong Filipino na naninirahan sa ibayong dagat, ang Kapaskuhan ang nagsisilbing tagapaggunita sa kanila ng matatamis na mga alaala ng kanilang tinubuang-bayan na tulad ng – solemne o taimtim subalit masasayang mga banal na misa sa madaling araw, ng mainit at nakapagpapaluwag-hiningang salabat at ng nakabubusog na puto-bumbong, ng makukulay at kumuku-tikutitap na mga parol, ng nakapaglalaway na morcon, jamon, at keso de bola, ng pagbibigay–galang sa pamamagitan  ng  paghalik sa kamay ng mga nakatatanda.

Sa bisperas ng Pasko idinaraos ang reunion ng mga pamilya.

Pagkatapos ng Misa sa Hating Gabi o misa de gallo nagtitipon ang mga miyembo ng mag-anak sa bahay upang pagsaluhan ang nakaugaliang noche Buena.

Tampok ng pagtitipon ang bigayan o palitan ng kahit anong uri ng mga regalo.

Pinakamasaya itong gabi ng isang taon dahilan sa dito nagkikita-kita ang mag-iina at magaama, magkakapatid,at  magpipinsan upang kumain at maginuman nang sabay-sabay sa tradisyunal na hapunan sa hatinggabi.




One thought on “Essay About Pasko

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *